Umaabot sa 87 katao ang sinita, tiniketan, at inaresto sa Quezon City dahil sa paglabag sa curfew at iba pang lokal na ordinansa sa ilalim ng Oplan Galugad nitong Lunes ng gabi.
Isinagawa ang operasyon kasunod ng paglulunsad ng Safer Cities Initiative Plan ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Nagsagawa ng late-night patrols ang Quezon City Police District (QCPD) simula sa Barangay Gulod sa Novaliches, kung saan 19 menor de edad ang naabutang nasa lansangan lampas sa curfew hours.
Dinala sila sa barangay hall kasama ang kanilang mga magulang o guardian, habang nakipag-ugnayan naman ang mga social worker sa kani-kanilang pamilya. Ilan sa mga nasitang menor de edad, hindi umano residente ng lugar at mula pa sa Las Piñas at Caloocan.
Sinita rin ng mga awtoridad ang limang lalaki dahil sa paglalakad nang walang suot na pang-itaas sa pampublikong lugar, habang isang indibidwal naman ang nahuling umiinom sa kalsada. Sa kaparehong operasyon ng Laloma Police sa Barangays Apolonio Samson at Manresa, 13 pang shirtless individuals at pito pang menor de edad na lumabag sa curfew ang naitala.
Samantala, 34 iba pa ang sinita dahil sa traffic-related violations. Sa Cubao, may ilang lalaki rin na inaksyunan dahil sa paglabas nang walang suot na pang-itaas sa pampublikong lugar.
Ayon sa pulisya, bahagi ang mga operasyon ng mas pinaigting na pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa, kabilang ang curfew regulations para sa mga menor de edad, pagbabawal sa pag-inom sa pampublikong lugar, at pagbabawal sa pagro-roam nang shirtless sa mga pampublikong lugar.
Binigyan ng violation tickets ang mga lumabag at maaari silang pagmultahin ng mula P1,000 hanggang P5,000 depende sa paglabag. Karamihan sa mga nahuli ay pinalaya rin matapos mabigyan ng citation, ngunit may ilang menor de edad na nananatili sa kustodiya ng barangay habang hinihintay ang koordinasyon sa kanilang mga magulang o guardian.
Trending
- ‘Di ako takot sa Trump admin – Pope Leo
- Brgy. officials sa ikatlong termino, disqualified na sa BSKE 2026
- BSKE budget realignment sa fuel crisis, ‘unconstitutional’
- DOF: Pagsuspinde ng excise tax ng gasolina at diesel, halos wa-epek din
- Mas mabilis na pagkuha ng permit, inilunsad ng DENR sa Maynila
- Dark-colored shirts, pinakamabisang proteksiyon kontra UV rays — pag-aaral
- Higit 3.9M nagparehistro sa BSKE 2026
- 6-buwang ‘salary donation’ ng mga kongresista vs oil crisis, isinusulong

