Bilang tulong sa pamahalaan na makatugon sa malawakang epekto ng nararanasang oil crisis, imumungkahi ni Deputy Speaker at Bacolod City Rep. Albee Benitez na i-donate ng mga mambabatas ang kanilang anim na buwang sahod.
Ayon kay Benitez, siya mismo ay handang ibigay ang sariling sahod upang makatulong at umaasa siyang tutugon din sa panawagang “bayanihan” ang kapwa niya mambabatas.
Sinabi ni Benitez na ang suhestiyon para sa salary donation ay sa pagitan pa lamang niya at ni House Speaker Faustino Dy. Aniya, malaking tulong kung matutuloy ito dahil aabot sa P500 million ang maaaring malikom sa Kamara mula sa 300 congressmen.
Nilinaw nito na walang sapilitan sa salary donation at kusang-loob lamang ito.
Aniya, ang perang malilikom ay maaaring magamit sa pagbili ng fuel vouchers na maaaring ipamahagi sa mga nangangailangang sektor.
Sinabi ni Benitez na patuloy ang paghahanap ng Kamara ng resources lalo at walang nakaaalam kung hanggang kailan tatagal ang tensyon sa Middle East.
Inihalimbawa nito ang P386 billion budget na ni-realign noong COVID pandemic at sa nararanasang oil crisis sa ngayon ay mas malaki ang kakailanganing pondo.
“Tinitingnan ng Kamara kung anu-ano sa 2026 national budget ang nabigyan ng pondo pero maaaring non-priority muna. Ang budget na ito ay puwedeng ma-realign na maging budget muna sa financial assistance sa targeted sector na apektado,” ani Benitez.
Para sa mambabatas, dapat ay targeted ang approach sa krisis. Aniya, hindi lahat ay dapat bigyan ng ayuda dahil malaking pondo ang kakailanganin. Ang dapat umano ay ang sektor ng agrikultura, fisheries, public transportation, at distributional logistics gaya ng pagkain.
“Yung assistance na dapat ibigay ay ibaba ang presyo ng langis. Kapag naibaba ito, hindi na ito magdudulot ng domino effect sa presyo ng bilihin at pasahe,” ani Benitez.
Nabatid na bukod sa budget sa barangay election na pinag-aaralang i-realign para magamit sa iba ang pondo, tatanggalin din ang inilaang budget para sa mga seminar, mga biyahe, capital outlay, at iba pang non-essential budget.

Share.
Exit mobile version