Inanunsyo ng Bureau of Customs (BOC) na isasailalim na sa negotiated sale o “direct offer” ang apat na natitirang luxury vehicles na nasamsam mula sa mag-asawang kontratista na sina Pacifico Discaya at Cezarah Discaya matapos itong mabigong maibenta sa mga nakaraang public auction.
Ayon sa BOC, isasagawa ang negotiated sale sa Abril 30, habang bubuksan naman sa publiko ang viewing ng mga sasakyan mula Abril 27 hanggang 29 sa Port of Manila.
Kabilang sa mga ibebenta ang mga sumusunod na luxury vehicles: GMC XL Yukon Denali (2022), Cadillac Escalade (2021), Maserati Levante (2022), at GMC Yukon Denali (2022).
Ipinaliwanag ng BOC na isinasagawa ang negotiated sale kapag umabot na sa dalawang beses na hindi nagtagumpay ang auction bidding. Sa ilalim ng sistemang ito, ang publiko mismo ang magsusumite ng kanilang alok, taliwas sa auction kung saan ang ahensya ang nagtatakda ng floor price.
Sinabi ni BOC spokesperson na si Chris Bendijo na layunin ng direct offer na mabigyan ng mas malawak na pagkakataon ang mga interesadong mamimili na makakuha ng mga sasakyan.
Noong Marso 10, nakalikom ang pamahalaan ng P102.46 milyon matapos matagumpay na maibenta sa auction ang siyam sa 13 luxury cars ng nasabing mag-asawa. Ang mga sasakyang ito ay nasamsam dahil sa kakulangan o kawalan ng kaukulang dokumento sa pagbabayad.
Para sa mga nais lumahok, kailangang magsumite ng main sealed envelope na naglalaman ng pangalan ng offeror, pangalan ng authorized representative (kung mayroon), contact number, email address, at sale lot number ng sasakyang nais bilhin.
Dapat ding maglagay ng hiwalay na sealed envelope sa loob nito—ang una ay para sa eligibility requirements, habang ang mga susunod ay para sa mismong alok.
Kailangang pirmado ang offer at malinaw na nakasaad ang halaga nito, kapwa sa numero at salita, pati na ang lot number ng sasakyang nais bilhin.

Share.