Narekober na ang labi ng tatlong sa apat na bata na nawala nang tumalon sa ilog sa Bulacan.
Ayon sa ulat, isa sa mga bangkay ang natagpuan sa mababaw na bahagi ng tubig sa Barangay Parada, Sta. Maria, Bulacan 5:00 ng hapon noong Miyerkules, Agosto 12.
Kinilala ang biktima na si John Norbert Nipay, 17-anyos mula sa Barangay Sto. Cristo.
Nalunod si Nipay sa Cabungan River noong Lunes, ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
Nakilala si Nipay sa kanyang suot na itim na bracelet na may cross at bible verse.
Samantala, ang bangkay naman ng dalawa pang biktima natagpuan sa Marilao nitong Huwebes ng umaga.
Natagpuan ang dalawang bangkay 15 kilometro mula sa kung saan sila huling nakita sa San Jose del Monte, Bulacan.
Ayon kay Gaya Gaya Barangay Captain Ryan Santos, nakita ng mangingisda ang lumulutang at lumobo nang katawan ng mga bata.
Kinilala naman ang mga ito na sina Ronjean Justine Alceso mula sa Barangay Gaya Gaya, San Jose Del Monte; at Raizen Karl Delos Reyes mula sa Bagong Silang, Caloocan, kapwa 13-anyos.
Nawawala pa rin sa kasalukuyan ang isa sa apat na mga bata.

Share.