Nasawi ang tatlong magkakapatid nang makuryente sa loob ng tinutuluyang apartment unit sa Barangay Piñahan, Quezon City.
Tinukoy ng Quezon City Police District (QCPD) ang edad ng dalagitang unang nakuryente na 15 taong gulang habang nasa edad 19 at 12 naman ang dalawa niyang kapatid na sumaklolo sa kaniya.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagsasampay umano ng bagong labang damit ang 15-anyos na dalagita sa isang bakal na sampayan sa balkonahe ng kanilang apartment nang bigla siyang makuryente.
Nang marinig ang kaniyang sigaw, agad na tumakbo ang kaniyang 19-anyos na kapatid na lalaki at 12-anyos na kapatid na babae upang saklolohan siya.
Gayunman, kapwa rin nakuryente ang dalawa habang sinusubukan nilang iligtas ang kanilang kapatid.
Isa pa nilang kapatid na nakasaksi sa insidente ang agad na humingi ng tulong sa mga kapitbahay.
Naiparating din ang insidente sa pamamagitan ng 122 emergency hotline ng lungsod dahilan upang rumesponde ang mga tauhan ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) at mga responder mula sa Barangay Piñahan.
Dinala pa sa East Avenue Medical Center ang tatlong magkakapatid ngunit kalaunan ay idineklara silang dead on arrival ng mga doktor.
Ayon sa mga awtoridad, ang sanhi ng kanilang pagkamatay ay cardiac arrhythmia secondary to electrical injury o iregular na tibok ng puso dulot ng pagkakakuryente.
Sa isinagawang inspeksyon ng Meralco, natuklasan na grounded umano ang circuit breaker ng apartment na konektado sa compressor ng air conditioner, na posibleng naging sanhi ng trahedya.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente habang muling pinaalalahanan ang publiko na tiyaking maayos at ligtas ang mga electrical installation sa kanilang mga tahanan upang maiwasan ang kahalintulad na sakuna.

Share.