Hindi bababa sa 26 estudyante ang nasawi at humigit-kumulang 25 iba pa ang nasugatan matapos sumiklab ang isang malaking sunog sa dalawang magkakatabing paaralan sa lungsod ng Bukavu, silangang bahagi ng Democratic Republic of Congo.
Batay sa ulat ng South Kivu provincial government, 19 sa mga nasawi ay mga babae habang pito naman ang lalaki.
Inaasahang maaari pang magbago ang bilang habang nagpapatuloy ang clearing at recovery operations sa lugar.
Ayon sa paunang impormasyon, nagsimula ang apoy sa isang kalapit na bahay bago mabilis na kumalat patungo sa Furaha Secondary School at Ujamaa Primary School, kung saan naroon ang maraming estudyante.
Nagkaroon umano ng matinding stampede nang magsimulang magtangkang lumikas ang mga bata.
Dahil sa makikitid na daanan at limitadong mga lagusan palabas ng mga gusali, nahirapan ang ilan na makalabas sa gitna ng nagkakagulong mga estudyante.
May ilang bata umanong napilitang tumalon mula sa mga bintana upang makatakas, habang ang iba ay nasugatan matapos matapakan o mawalan ng malay dahil sa siksikan at usok.
Ayon naman sa UNICEF, nasa 25 bata ang kabilang sa mga nasugatan sa insidente.
Sinabi ng mga lokal na awtoridad na mabilis na kumalat ang apoy dahil maraming estruktura sa komunidad ang gawa sa kahoy at magkakalapit ang mga gusali.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong pinagmulan at sanhi ng sunog.

Share.