Inaresto ang dalawang katao nang lokohin ang isang mechanical engineer nang mapasakamay sa mga ito ang P300,000 sa isang kasunduan sa pautang na ginamitan ng condominium unit bilang kolateral na hindi naman nila pag-aari sa Pasay City.
Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang mga inarestong suspek na sina alyas Raymundo, 45, tubong Salog, Hinunungan, Southern Leyte, at alyas Joey, 45, residente ng Pasig City.
Batay sa report na natanggap ni De Sesto, inaresto ang mga suspek 11:20 ng gabi noong Agosto 17 sa Texas Roadhouse sa S Maison, Coral Way, Mall of Asia Complex, Barangay 76.
Ayon sa pulisya, ang 33-anyos na biktimang si alyas Jeffrey, isang mechanical engineer at residente ng Bangkal, Makati City, ang nag-report sa insidente nang matuklasan niyang hindi nakapangalan sa mga suspek ang condominium unit na ginawang kolateral sa kanilang transaksyon.
Ayon kay De Sesto, nakipagkita si Jeffrey sa mga suspek sa isang mall noong Agosto 13 at nagkasundo sa isang pautang na sakop ng isang “Loan Agreement with Condominium Rental Agreement.” Ipinakilala umano sa kanya ang transaksyon bilang isang “sangla-kolekta” scheme kung saan magsisilbing collateral ang condominium unit.
Matapos ibigay ni Jeffrey ang P300,000, nagtungo siya sa Tower A ng Sea Residences upang beripikahin ang pagmamay-ari ng Unit 418. Sinabi umano ng condominium management na hindi nakarehistro sa pangalan ng mga suspek ang naturang unit.
Dahil dito, humingi ng tulong sa pulisya si Jeffrey, na nagresulta sa pagsasagawa ng entrapment operation. Ayon sa pulisya, pumayag ang biktima na muling makipagkita sa mga suspek at nag-alok ng karagdagang P64,000 sa ilalim ng parehong umano’y investment arrangement.
Nang iabot ni Jeffrey ang marked money, nagbigay siya ng napagkasunduang hudyat, dahilan upang agad na arestuhin ng mga operatiba ang mga suspek.
Narekober mula sa mga suspek ang P64,000 na marked money, ilang identification card, isang itim na Redmi 15 Android phone, at isang sky-blue na Realme C51 Android phone.
Kasalukuyang nakakulong ang dalawang suspek sa custodial facility ng Pasay City police at nahaharap sa kasong paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code o estafa (panloloko) sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Trending
- Faith healer patay sa saksak habang tulog
- 2 patay, 4 sugatan sa salpukan ng SUV at trak
- Estudyante sa Iloilo pinagagamit na ng transparent bag
- 4 patay sa sunog sa Pasay
- Ipinao-overhaul ang MMDA para sa trapiko, baha, basura
- Panibagong bugso ng habagat, asahan sa susunod na linggo
- Brgy. tanod sa iskul, isinusulong bilang dagdag-seguridad!
- Sept. 14 : special non-working day sa BARMM

