Umalma ang ilang Thai volleyball fans sa ipinagkaloob na individual awards sa 2026 PVL Invitational Conference matapos masungkit ng EST Cola ng Thailand ang kampeonato.
Ito’y matapos iisang manlalaro lamang ng EST Cola ang binigyan ng major individual award sa kabila ng pagdomina ng koponan sa tournament.
Lumabas ang mga reaksiyon sa social media matapos talunin ng EST Cola ang Nxled Chameleons sa championship game na ginanap sa Smart Araneta Coliseum noong Martes, September 8.
Ayon sa Thai fans, iisang EST Cola player lamang ang nakakuha ng award samantalang tatlong manlalaro mula sa Nxled ang nakasungkit ng major awards sa kabila na nagtapos lamang silang runners-up.
Si Papatchaya Phontham ng EST Cola ang nag-uwi ng Most Valuable Player (MVP) at Best Opposite Spiker awards.
Sa panig naman ng Nxled, kinilala bilang Best Outside Spiker si Jonah Sabete-Escamilla. Ka-share niya sa naturang award si Savi Davison ng PLDT.
Kinilala naman bilang Best Middle Blocker ang Chameleons player na si MJ Phillips kasama si Jaja Santiago-Minowa ng Creamline.
Nakuha rin ni Nxled setter Gel Cayuna ang Best Setter award. Ito na ang ikaanim na pagkilala sa kanya sa naturang karangalan.
Dahil dito, ilang Thai supporters ang nagtanong kung hindi raw ba dapat na mas marami pang EST Cola players ang nabigyan ng individual awards matapos nilang makuha ang championship.
Naging ikalawang guest team ang EST Cola na nagkampeon sa PVL Invitational. Nauna rito ang Kurashiki Ablaze ng Japan, na nagwagi noong 2023.

Share.
Exit mobile version