Naghamon si Kamanggagawa party-list Rep. Eli San Fernando sa kanyang mga kasamahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na magbukasan na ng bank accounts at Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN).
Ginawa ng mambabatas ang hamon dahil kabilang sa article of impeachment laban kay Duterte ay ang laman ng mga bangko nito at mister niyang si Atty. Manases Carpio na hindi idineklara sa kanyang SALN.
“Yung parehas na pamantayan na ibinibigay natin kay vice-president in terms of impeachment, dapat yung din ang sukatan sa mga mga mambabatas. So gusto natin inbestigahan si vice-president, gusto natin siyang magpanagot. Dapat ganun din ang mga congressman, dapat makapang din ang mga congressman,” ani San Fernando.
Sinabi ng mambabatas na handa umano itong mag-isyu ng bank secrecy waiver dahil ito aniya ang isyu na ipinupukol kay Duterte
“Are the congressman willing to file or issue a bank secrecy waiver?. Buksan natin lahat ng bank accounts ng mga mambabatas, ng mga politiko. Hindi lang na mga halal ha, kundi ng mga appointed,” ani San Fernando.
Maliban dito, kailangang maging matapang din aniya ang mga mambabatas na ilabas ang kanilang SALN dahil ito aniya ang ginamit na pamantayan ng mga kongresista sa pagpapa-impeach sa pangalawang pangulo.
“Ngayon kung sinong ayaw mag-issue ng bank secrecy waiver, kung sinong ayaw maglabas ng kanilang SALN, duwag yun, duwag yun. At the same time, ayaw niyang gamitin yung pamantayan na ginamit kay vice-president para sa kanyang sarili,”ayon pa sa mambabatas.
Kasama si San Fernando sa 257 congressman na bumoto ng pabor sa pagpapaimpeach kay Duterte na naging dahilan para mabash ito lalo na’t inaasahan umano ng mga DDS na boboto ito kontra sa impeachment case.
“Whatever we vote naman, whatever sasabihin namin sa plenaryo, meron at meron na hindi masasaktan, meon at meron na magagalit o madidismaya. Pero hindi naman kasi tungkol sa akin o sa manggagawa. Hindi toong ko sa voto na maaari namin makuha o mawala sa 2028,” paliwanag ni San Fernando.
“We are not afraid of losing votes. We are not afraid of losing followers. We started from nothing. We are not afraid na banggain yung powers that be. So maling assumption na ibasket kami sa mga kulay. Napaka maling assumption sabihin na kami ay DDS,” dagdag pa ng mambabatas na inamin desisyon ng partido ang kanyang “yes” vote dahil kumbisido umano ang mga ito na may probable cause ang impeachment complaint at nais nilang bigyan ng pagkakataon si Duterte na linisin ang kanyang pangalan sa Impeachment court.

Share.