Patay ang isang person with disability (PWD) nang pagsasaksakin ng kaibigan kasunod ng kanilang pagtatalo habang nag-iinuman sa Quezon City.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), naganap ang insidente 12:30 ng madaling araw noong Hulyo 7 sa kanto ng AFP Road at Guerilla Road sa Barangay Holy Spirit.
Kinilala ang biktima na si Jose Polvorosa Mitra, 49; at ang suspek na 39-anyos na lalaki.
Sa report, magkasamang nag-iinuman ang biktima at suspek nang mauwi sa mainitang pagtatalo at suntukan ang kanilang pag-uusap.
Isinugod pa sa East Avenue Medical Center ang biktima nguni’t idineklarang patay ala-1:37 ng madaling araw.
Sinabi ni Police Lieutenant June Abogado, imbestigador ng kaso, na mabilis nilang natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek sa tulong ng mga testigo at mga kaanak nito.
Ayon kay Abogado, nagsagawa rin ng backtracking ang pulisya at agad na nakipag-ugnayan sa Manila Police District (MPD) nang matukoy na nagtungo sa Maynila ang suspek.
Naaresto ang suspek kinabukasan sa Sta. Cruz, Maynila.
Ayon pa sa pulisya, lumabas din sa kanilang imbestigasyon na nahaharap na noon ang suspek sa kasong robbery.
Sa ulat, umabot sa 21 ang saksak na tinamo ng biktima.
Nag-iwan ang biktima ng limang taong gulang na anak, na ayon sa pamilya aalagaan na lamang ng mga kamag-anak.

Share.