Mismong si Senadora Pia Cayetano ang nangumusta sa publiko, matapos maging trending ang kanyang pagiging emosyonal sa Senado noong Mayo 20.
“Kumusta na po kayong lahat? Balita ko trending na raw po ang ‘Kumusta ka?’ Kaya ako magtatanong sa bawat isa sa inyo, kumusta ka?” ani Cayetano sa kanyang Facebook live noong Biyernes, Mayo 22.
Matatandaang inihayag ng senadora na nasaktan siya dahil wala umanong nangumusta mula sa mga miyembro ng Senate minority bloc nang mangyari ang putukan sa Senado, ngunit kalaunan ay sinabi ni Senador Erwin Tulfo na nagpadala naman sila ng mensahe sa majority bloc.
Samantala, sinabi naman ni Cayetano na nagpapasalamat siya sa mga kapwa senador na nangumusta at lumapit sa kanya pagkatapos ng kanyang talumpati.
Inamin din niya na nasaktan siya bilang tao ngunit naka-move on na siya at wala nang dahilan upang magkimkim pa ng sama ng loob.
“After my speech, maraming lumapit sa akin kasi friends po talaga kami, and I really appreciate you guys who approached me… You know what, guys, wala na sa ‘kin ‘yon, wala naman akong mapapala kung ikasama pa loob ko,” anang senadora.
“You’ve seen me expressing my feelings as somebody who is scared, who was… masama ang loob… I felt bad because I am human. But what’s important for me is I was able to move on,” dagdag pa ni Cayetano.

Share.
Exit mobile version