INARESTO ng pulisya ang 28-anyos na lalaki matapos akusahan ng panghahalay sa 11-anyos na anak ng kanyang kinakasama sa Malabon City.

Mabilis na kumilos ang mga tauhan ni P/Maj. Joseph Alcazar, Commander ng Malabon Police Sub-Station 4, matapos na maghain ng reklamo noong Miyerkules ang ina ng bata dahil sa umano’y kahalayang ginawa ng kanyang kinakasama sa kanyang anak.

Batay sa ulat na nakarating kay Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission, wala umano sa kanilang bahay sa Barangay Catmon ang ina ng biktima nang umano’y gapangin at halayin ng amain noong Martes ng madaling araw.

Sa kabila ng pagbabanta ng suspek sa biktima na huwag magsusumbong, nagawa pa ring ipabatid ng bata sa ina ang ginawa ng amain na dahilan para agad siyang humingi ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip na suspek.

Mahaharap sa kasong Rape na may kaugnayan sa R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office. (Edison de Jesus)

Share.