PATAY ang 22-anyos na e-trike driver habang sugatan ang 14-anyos na binatilyong estudyante na tamaan ng ligaw na bala sa naganap na pamamaril Miyerkules ng gabi sa Malabon City.
Wala ng buhay ang duguang katawan ng biktimang residente ng C. Plata St. Brgy. Tugatog nang datnan ng mga nagrespondeng mga pulis sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan habang isinugod naman ng kanyang tiyahin sa Tondo Medical Center ang binatilyong estudyante matapos mahagip ng ligaw na bala.
Sa nakarating na ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, papasada sana ng e-trike ang biktima para may = panggastos sa kapapanganak lamang na asawa nang pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng isang orange na motorsiklo dakong alas-8:20 ng gabi sa bahagi ng M.H. Del Pilar St. Brgy. Tugatog.
Nagkataong nasa naturang lugar din ang estudyante kaya’t nahagip siya ng ligaw na bala sa bahagi ng katawan dahil na rin sa dami ng ginawang papapaputok ng kanilang baril ng mga suspek..
Hindi pa batid ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission kung ano ang motibo ng pamamaslang matapos na magpahayag Ang ina ng biktima na si alyas “Marife” na wala silang alam na kaaway o anumang banta sa buhay ng kanyang anak.
Nagsasagawa na ng forward at back tracking sa kuha ng mga CCTV sa lugar ang mga imbestigador, pati na ang tinahak na lansangan ng mga suspek, upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan para sa agaran na rin nilang pagkakadakip. (Edison de Jesus)

