Na-admit sa Intensive Care Unit (ICU) ng isang ospital sa St. Louis, Missouri ang sikat na American singer na si Lionel Richie matapos ang kanyang concert sa The Muny sa Forest Park nitong nagdaang linggo.
Ayon sa ulat ng international media gaya ng The Hollywood Reporter at TMZ, nagpunta umano si Richie sa isang lokal na ospital matapos ang kanyang performance noong Sabado, Agosto 29, upang sumailalim sa ilang medical tests.
Batay sa mga saksi na binanggit ng TMZ, tila nahirapan umanong ituloy ni Richie ang kanyang performance patungo sa pagtatapos ng concert.
Habang kinakanta ang kanyang 1983 hit na “All Night Long” humingi umano ang 77-anyos na singer ng upuan sa kanyang team at ipinagpatuloy ang natitirang bahagi ng kanta habang nakaupo.
Iniulat din na sinuri siya ng mga doktor dahil sa posibleng mild dehydration. Inaasahan umano siyang ma-discharge ng ospital nitong Setyembre 1.
Ilang buwan pa lamang ang nakararaan nang huli siyang maospital habang siya ay nagpe-perform.
Noong Hunyo, naputol ang kanyang concert sa St. Paul, Minnesota matapos niyang sabihin sa audience na nakakaramdam siya ng pagkahilo at kakaibang pakiramdam.
Kalaunan ay sinalubong siya ng mga paramedic sa backstage at isinakay sa ambulansiya patungo sa ospital.
Sa kabila nito, nakabalik si Richie para sa “Sing a Song All Night Long” tour kasama ang American band na Earth, Wind & Fire.
Nakatakda ang kanyang susunod na performance sa Setyembre 26 sa San Francisco. Hindi pa malinaw kung maaapektuhan ng kanyang pinakahuling health issue ang mga susunod niyang show.
Unang sumikat si Richie bilang lead singer at saxophonist ng Commodores, ang funk at soul group na nagpasikat sa kantang “Easy.”
Sa kanyang solo career, ilang kanta ang napasikat niya tulad ng “Endless Love,” “Say You, Say Me,” “Stuck on You,” at “The Only One.”
Apat na beses na siyang nagwagi ng Grammy Awards at napabilang din sa Rock & Roll Hall of Fame noong 2022.
Bukod dito, kabilang si Richie sa mga sumulat ng iconic charity single na “We Are the World” kasama si Michael Jackson noong 1985.
Ang awitin, na nilahukan ng maraming sikat na mang-aawit sa ilalim ng USA for Africa, ay nagwagi ng Grammy para sa Song of the Year.
