Bumaba na sa ibaba ng minimum operating level ang lebel ng tubig sa Angat Dam dahil sa matinding init at kakulangan ng ulan, ayon sa mga opisyal.
Noong Huwebes, nasa 178.87 meters above sea level (masl) ang lebel ng tubig sa Angat Dam, mas mababa sa 180 masl minimum operating level at malayo sa normal na 212 masl na antas ng reservoir.
Batay sa datos, nasa 180.15 masl pa ang antas ng tubig noong Linggo, 190.17 masl noong Abril 17, 200.14 masl noong Marso 22, at 210.29 masl noong Enero 19.
Ayon sa ulat, ang matinding heat index at matagal na kawalan ng ulan ang dahilan ng mabilis na pagbaba ng tubig sa pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig ng Metro Manila.
Dahil dito, umaasa na lamang sa ulan ang mga magsasakang gumagamit ng irigasyon mula sa Angat Dam para sa natitirang pananim na nakatakdang anihin sa katapusan ng buwan.
Sinabi ni Carlos Dimaapi, presidente ng Angat Maasim River Irrigation System (AMRIS), na nakaranas na ng pagbawas sa suplay ng tubig ang mga magsasaka sa mga bayan ng Pandi, Bocaue, Bulakan, Paombong, Pulilan, Malolos, at Calumpit sa Bulacan, gayundin sa Apalit, San Luis, San Simon, at Candaba sa Pampanga matapos ang huling pagtatanim noong Pebrero.
“We are no longer affected by the decreasing level of Angat dam now because we already harvested most of our palay. Only a few crops have remained standing but which are due for harvest end of the month,” ani Dimaapi.
Mahigit 22,000 magsasaka na nagsasaka sa higit 27,000 ektarya ng palayan sa Bulacan at Pampanga ang pinaglilingkuran ng AMRIS.
Nauna nang sinabi ni National Irrigation Administration official Francis Clara na nagpalabas sila ng abiso sa mga magsasaka hinggil sa pagbawas ng suplay ng tubig dahil sa kakulangan ng ulan sa paligid ng Angat Dam habang inuuna ang pangangailangan sa tubig ng Metro Manila.
Ayon kay Clara, ibinaba nila ang irrigation supply mula 35 cubic meters per second (cms) sa 30 cms bago tuluyang itigil ang pagpapakawala ng tubig para sa irigasyon noong Abril 30.
Trending
- PNP: Proteksyon sa pamilya ng missing sabungeros, paiigtingin
- Karagdagang 20 GW target ng DOE para maabot 2040 renewables goal
- DOH nilinaw, wala pang kaso ng Ebola sa bansa
- Hirit na P200 dagdag-sahod sa NCR, ‘di luho
- Pagtigil sa pagpapatupad ng bagong SHS curriculum, hiling ng mga guro sa SC
- Mga sundalo karapat-dapat sa mas maayos na access sa healthcare services
- House prosecution naghahanda na vs fake news
- Pinas, maaari nang mag-angkat ng Belgian poultry
