Hindi itinago ni Julia Montes ang kakaibang kuwento ng kanyang pamilya, partikular na ang kanyang biological parents na kapwa deaf-mute.
Sa panayam ni Julius Babao sa kanya at kay Coco Martin, ikinuwento ni Julia kung paano siya lumaki na malapit sa kanyang ina na si Gemma Hautea.
Ang kanyang ama namang si Martin Schnittka ay German.
Para kay Julia, bahagi ito ng pagiging unique ng kanilang pamilya. Dahil hindi nakakapagsalita at nakakarinig ang kanyang ina, maaga siyang nasanay na maging katuwang nito sa pakikipag-communicate gamit ang sign language.
“Si Papa ay German, tapos si Mama ko naman, Filipina lang. Pero ang unique po kasi du’n sa family namin na ano, parehas silang deaf and mute,” kuwento ni Julia.
Aniya, halos saan man sila pumunta ay siya ang nagsisilbing gabay ng kanyang ina. Siya rin ang nakikipag-usap para rito kapag may kailangang asikasuhin.
“Lahat po ng pupuntahan namin, parang ‘yung movie na CODA, lahat po, ie-explain ko kay Mama,” pagre-recall niya.
Dahil dito, napansin din daw niyang nakasanayan na niyang gumamit ng kamay habang nagsasalita dahil sabay niya itong ine-explain sa kanyang ina.
“So, lahat ng pupuntahan ng mama ko, ako ‘yung assistant niya. So sa jeep kung saan kami pupunta, ako ‘yung magsasabi. Ako ‘yung kakausap sa doctor. Ako ‘yung kakausap sa lahat,” lahad pa ng aktres.
Hindi naman naging ganoon kadali ang unang pagkikita nila ng kanyang ama.
Noong 21-anyos na si Julia nang tuluyan niyang makilala si Martin at una nilang naging hamon ang pagkakaiba ng sign language na ginagamit nila.
“Iba rin ‘yung sign language na alam ko sa Mama ko. Si Papa naman, iba naman ‘yung sign language,” paliwanag niya.
Sa kabila nito, nakahanap pa rin sila ng paraan para magkaintindihan dahil marunong din umano ang kanyang ama ng universal sign language.
Matagal na ring pangarap ni Julia na makilala ang kanyang biological father dahil lumaki siyang hindi ito kasama.
Natupad ang matagal niyang hangarin noong 2016 nang matagpuan niya si Martin at tuluyan silang nagkita sa unang pagkakataon.
