Kasado na ang pagsisimula ng season 89 ng University Athletics Association of the Philippines (UAAP) Men’s Basketball Tournament sa darating na Linggo, Setyembre 13, 2026.

Sa nalalapit na bakbakan, isa sa mainit na inaabangan ng basketball fans ang pagbabalik sa big screen ng Ateneo Men’s Basketball Team matapos silang masangkot sa kontrobersiya bunsod ng pagkamatay ng kanilang dalawang student-athletes na sina Divine Adili at Rene Baterbonia.

Sa isinagawang press conference ng UAAP noong Martes, Setyembre 8, ibinahagi ng panibagong head coach ng Ateneo na si Louie Alas ang kanila raw hiling matapos ang kinasangkutan nilang kontrobersiya.

“Sana walang mangyari, sana walang mangyari [panggugulo sa mga games namin]… pero I don’t think na mangyayari ‘yon,” ani Alas sa media.

Saad pa ni Alas, mismong ang management na rin daw kasi ang nag-abiso sa kanila hinggil sa mga posibilidad na maaari nilang maranasan mula sa kanilang mga kritiko, sa loob at labas ng hardcourt.

“May mga advice na coming from the management, pero ni-share ko lang ‘yong experience ko na nagco-coach pa ko sa PBA, pag pumunta ako sa venue kasama ko family ko… ang focus ko sa game lang,” saad pa niya.

Matatandaang noong Hunyo 8 nang malunod sina Baterbonia at Adili matapos ang teambuilding ng Ateneo sa Aurora. Ayon sa mga awtoridad, layunin ng nasabing aktibidad na masala ni noo’y Ateneo Head Coach Tab Baldwin kung sino-sino ang mga manlalarong maaari niyang maisama sa line-up ng kanilang koponan para sa UAAP Season 89.

Samantala, noong Setyembre 3 nang kumpirmahin ng Department of Justice (DOJ) na opisyal nang gumulong ang kanilang preliminary investigation sa naturang insidente.
=====

Share.
Exit mobile version