Nakikita ng Department of Agriculture (DA) ang malaking potensyal ng Philippine mango sa South Korean market, kasunod ng mas pinaigting na ugnayan sa mga lokal na magsasaka at international buyers.
Ayon kay DA-11 Technical Director Marie Ann Constantino, bumisita kamakailan si David Park, presidente ng Sae Kyoung Co. sa South Korea, sa ilang mango farms sa Davao Region at pinuri ang kalidad nito.
Tinawag pa umano ni Park na “a really good mango” ang prutas matapos inspeksyunin ang mga taniman sa Island Garden City of Samal, Matanao, at Digos City.
Bahagi ng hakbang ng DA ang pag-uugnay sa mga magsasaka at foreign buyers, kung saan target ang South Korea bilang pangunahing merkado.
Gayunman, binigyang-diin ni Park ang kahalagahan ng food safety standards, partikular ang pagsunod sa Maximum Residue Limits (MRLs) o limitasyon sa pesticide residue sa prutas.
Handa rin umano ang kanyang kumpanya na ibahagi ang organic farm protocols para makatulong sa mga magsasaka na makapasa sa export requirements.
Samantala, sinabi ni Constantino na layon ng ahensya na hindi lamang manatiling producer ang mga magsasaka kundi maging agripreneurs na kayang makipagsabayan sa global market.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, umabot sa 5,708.90 metric tons ang produksyon ng mangga sa Davao Region noong ikatlong quarter ng 2025—ikatlo sa pinakamalaking fruit crop sa rehiyon.
Patuloy namang makikipag-ugnayan ang Sae Kyoung Co. sa mga lokal na magsasaka sa tulong ng DA upang maisulong ang export ng mangga at mapalakas ang agrikultura sa bansa.
Trending
- Bossing, ka-collab ni Vice sa MMFF 26
- Kobe, tinawag na ‘tita’ si Marian
- Best friends can also “betray” you
- Foreign riders nangibabaw sa Stage 1 ng Tour of Luzon
- ICC magdaraos ng status conference sa Mayo 27
- Pagpapatuloy ng power spot market ops ipinag-utos
- Mas matibay na bilateral relations sa Oman isusulong
- Kitty : ‘Di magnanakaw ate ko

