Opisyal nang inilunsad ngayong Martes, April 14 sa lungsod ng Maynila ng programang “Permitting on Wheel o POW” ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na layong ilapit at dalhin ang mahahalagang serbisyo sa environmental permitting sa komunidad.
Ayon kay DENR Secretary Juan Miguel T. Cuna, ang inisyatibong ito ay isang mahalagang hakbang para maiwasan ang red tape at pagpapadali ng proseso para sa mga negosyo habang pinapalakas ang pangangalaga sa kalikasan, binabawasan ang mga hadlang sa compliance, at pinabubuti ang access sa pangunahing serbisyo ng pamahalaan.
Kasama ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso, Vice Mayor Chi Atienza at ilang opisyal ng pamahalaang lungsod ng Maynila, sinabi ni Sec. Cuna na sa kanyang obserbasyon ay nakatuon ng matagal na panahon ang pamahalaan sa mga proseso na tumatagal at hindi makapag-umpisa kaagad ang mga negosyo dahil sa pabalik-balik sysyem para sa pag-aayos ng mga dokumento.
Sa pamamagitan ng POW, ang mga tauhan ng DENR ay nasa mismong lugar upang magbigay ng on-site application processing, real-time validation, at personal na teknikal na tulong para sa mga environmental permits.
Kasama rito ang pamamahala sa kalidad ng hangin at tubig, pamamahala ng kemikal, environmental impact assessment, pamamahala ng hazardous waste, regulasyon ng wildlife, at iba pang kaugnay na pangangailangan.
“Ang naging direksyon po natin ngayon ay i-channel natin ang resources and focus natin on enforcement and monitoring,” ani Cuna.
Aniya kapag nariyan na at ipinapatupad na ang proyekto, ito ay kanila nang pagtutuunan upang siguruhin na hindi magkakaroon ng problema sa mga site ng mga projects at nakasunod sa air quality, water quality at standards ng ibat-ibang mga entity at mga negosyo.
Nagpasalamat si Cuna sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pangunguna nina Mayor Isko at VM Chi dahil dito aniya sa kabisera at bansa sinimulan ang programa.
Tiniyak din ni Cuna na kanila pang pagbubutihin ang kanilang sistema kung saan ang programa ay sabayang inilunsad sa 17 rehiyon sa bansa.
Sinabi naman ni Mayor Isko na ikinalulugod ng pamahalaang lungsod na ibinaba sa komunidad ng national government sa pamamagitan ng DENR ang programa na isang malaking bagay dahil mas gagaan,bibilis at magiging madali ang proseso ng pagnenegosyo na naayon din sa polisiya ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
“Makikita niyo sa paligid unti -unti ng nagiging agresibo muli ang mga namumuhunan sa lungsod at unti -unti nang bumabalik upang idevelop.ang  kanilang mga pag-aari,” anang alkalde.
Nagpasalamat din si Mayor Isko sa DENR dahil binigyan nito ng atensyon ang ang lungsod ng Maynila.
=====

Share.