Natagpuan na wala nang buhay ang isang 57-anyos na lalaking nurse sa loob ng kanyang bahay sa Brgy. Mabini Homesite, Cabanatuan City, Nueva Ecija nitong umaga ng Martes.
Ayon kay PLtCol. Lester Zafra, officer-in-charge ng Cabanatuan City Police Station, nadiskubre ng kasambahay ang bangkay ng biktima bandang alas-11:05 ng umaga nang puntahan nito ang silid ng nurse.

Batay sa paunang imbestigasyon, posibleng ginamit ang paa ng isang kahoy na upuan upang sakalin ang biktima bago ito saksakin nang limang beses gamit ang kutsilyo.
Sa naging pahayag ng kasambahay, may narinig umano siyang kalabog mula sa silid ng biktima ngunit hindi niya ito pinansin.

Nadiskubre na lamang ang krimen nang puntahan ng kasambahay ang silid matapos hindi gumising nang maaga ang biktima, na nakagawian nitong gawin.

Ayon pa kay PCol Zafra, nawawala ang mga suot na alahas ng biktima at ang huling nakitang kasama nito ay ang kaibigan niyang lalaki,
Kasalukuyang nakaburol na ang labi ng biktima habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.(Danilo Gravador)

Share.