Humingi ng paumanhin ang dating PBA player at ngayo’y vlogger na si Rico Maierhofer matapos ang “misleading” na post nito tungkol kay Pinay tennis star Alex Eala at sa hotel na tinutuluyan nito.
Sa isang naunang post ni Maierhofer, nagpakita ito ng hotel key card at sinabing katabi lamang ng kuwarto niya ang tinutuluyan ni Eala.
“nasa kabilang room si Alex, plan ko sana katukin kaso naisip ko need nya mag pahinga para sa important games nya, Galingan mo Alex Eala keep making our country proud, Fan mode kami…”
Dinagsa umano ng ilang Pinoy sa New York ang Crowne Plaza Manhattan Times Square na tinutuluyan ni Maierhofer sa pag-aakalang doon nga tumutuloy si Alex.
Habang ang ilang netizen ay pinutakte ng pamba-bash si Maierhofer sa pag-aalala kay Alex at sa seguridad nito dahil sa post.
Sa bagong post ni Maierhofer, sinabi nitong nagbibiro lamang siya nang sabihin niyang nasa kabilang kuwarto si Alex.
“I apologize po, tao lang, nagkakamali din,” ani Maierhofer kasunod ang paliwanag na kinausap siya ng manager ng hotel na kanyang tinutuluyan.
Ayon pa kay Maierhofer, hindi niya alam kung saan tumutuloy na hotel si Alex at maging ang manager sa kanyang tinutuluyang hotel ay hindi rin alam kung saan tumutuloy ang Pinay ace.
=====


Share.