Nagpatupad ng mas mahigpit na seguridad ang De La Salle Lipa sa Batangas matapos kumalat online ang isang anonymous na banta ng umano’y “mass shooting” na nagdulot ng pangamba sa mga estudyante at magulang.
Sa opisyal na pahayag ng paaralan, sinabi nitong naka-heightened alert ang kanilang security personnel, nagdagdag ng mga guwardiya sa iba’t ibang bahagi ng kampus, nagsasagawa ng masusing inspeksyon sa mga bag sa lahat ng pasukan, at nakikipag-ugnayan sa Philippine National Police upang higit pang mapalakas ang kanilang kahandaan at pagtugon sa anumang banta.
Kasunod nito, maraming magulang ang nagpahayag ng pag-aalala at hiniling na isaalang-alang ang pansamantalang online classes, paggamit ng metal detectors o bag scanners, at pagbibigay ng malinaw na abiso hinggil sa sitwasyon ng mga estudyante sa loob ng kampus.
May ilan ding magulang na nagpasyang huwag nang papasukin ang kanilang mga anak bilang pag-iingat, habang ang iba ay nanawagang unahin ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na impormasyon ang mga awtoridad na nagpapatunay sa kredibilidad ng naturang banta, ngunit nagpapatuloy ang kanilang koordinasyon sa pamunuan ng paaralan.
Patuloy namang hinihikayat ng De La Salle Lipa ang buong komunidad ng paaralan na makipagtulungan sa ipinatutupad na mga hakbang sa seguridad habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Share.