Sugatan ang 13-anyos na estudyante nang pagtulungang saktan at saksakin ng limang menor de edad sa Bgy. Daniel Fajardo, Las Piñas City, Huwebes ng gabi.
Batay sa paunang ulat ng pulisya, tapos na ang klase ng grade 8 student sa Las Piñas National High School at lumabas na siya para pumunta sa isang convenience store kasama ang isang 15-anyos na kaibigan, 7:00 ng gabi.
Bibili sana sila ng juice nang bigla silang harangin ng limang menor de edad. Dalawa sa kanila ay 15-anyos, dalawang 16-anyos, at isang 17-anyos.
Batay sa salaysay ng iba pang nakakita sa insidente, may bitbit na hollow blocks ang limang menor de edad at pinagbabato ito sa mga biktima. May mga bitbit din umanong kutsilyo ang limang menor de edad.
Hinabol nila ang mga biktima at doon nasaksak ng tatlong beses sa likod, leeg at balikat ang 13-anyos na biktima habang nakailag at nakalayo ang kanyang kasamahan.
Agad lumapit sa mga taga-barangay ang mga nakakita sa insidente habang isinugod sa ospital ang biktima.
Nahuli sa follow up operation ang 5 menor de edad na nasa likod ng krimen. Inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan kung bakit nila nagawa ang pananaksak at pananakit sa dalawang estudyante.
Lumabas sa imbestigasyon ng PNP na tatlo sa mga nahuli ay out-of-school youth at dalawa ang estudyante sa ibang lugar.
Kakasuhan na ng frustrated murder at attempted murder and mga indibidwal.
Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ng Las Piñas National High School na nakikipagtulungan na sila sa mga magulang ng biktima. Magsasagawa rin umano sila ng sariling imbestigasyon hinggil sa insidente.
Nananawagan sila sa publiko na huwag magpakalat ng maling impormasyon.

Share.