Pormal nang pinakilos ng Department of Education (DepEd) ang 2026 National Oplan Balik Eskwela upang tiyakin ang maayos na pagbubukas ng klase sa Hunyo 8.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ng DepEd na isasagawa ang inisyatiba mula Hunyo 1 hanggang 11 upang pabilisin ang enrollment, tugunan ang mga reklamo ng publiko, at palakasin ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor para sa paghahanda sa pasukan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, patunay ang hakbang sa prayoridad ng pamahalaan na itaas ang kalidad ng edukasyon para sa kabataan.
“Sinisiguro natin, kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, na magiging ligtas, maayos, at walang aberya ang pagbabalik-aral ng ating mga mag-aaral,” ani Angara.
Mahigit 16 ahensya ng gobyerno ang katuwang ng DepEd sa ilalim ng Inter-Agency Task Force para sa paghahanda sa mga paaralan.
Kabilang dito ang DILG at PNP para sa seguridad, DOH para sa kalusugan, MMDA at DPWH para sa trapiko at imprastraktura, at DOTr para sa maayos na biyahe ng mga estudyante.
Tututukan din ng DOE, DTI, DICT, at NTC ang suplay ng kuryente, proteksyon sa konsyumer, at matatag na komunikasyon at internet sa mga paaralan.
Titiyakin naman ng Meralco at MWSS ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente at tubig sa mga paaralan.
Samantala, nakabantay din ang NDRRMC para sa mga posibleng banta ng kalamidad, at ang DSWD para sa mga mag-aaral na benepisyaryo ng 4Ps.
Magbubukas din ang OBE Public Assistance Command Center ng 24/7 hotline at help desk para sa agarang tugon sa mga reklamo at katanungan.
Tiniyak din ng DepEd na hindi bibigyan ng karagdagang gawaing administratibo o pang-opisina ang mga guro sa panahon ng paghahanda upang mas matutukan nila ang kahandaan ng mga silid-aralan.

Share.
Exit mobile version