Sinabi ni Vice President Sara Duterte nitong Huwebes na wala pang pormal na Senate slate ang kanyang kampo para sa 2028 elections, at iginiit na mahirap sa kasalukuyang klima ng pulitika ang hayagang paglapit o pag-ugnay sa mga posibleng kaalyado.
Ginawa niya ang pahayag sa isang ambush interview sa Davao City matapos ang paggunita sa Araw ng Kagitingan.
“Wala pa akong senators… may mga nagpahayag na interesado sila na magsama kami kung sakali ako ay tumakbo at sila din ay tatakbo. Pero kung sasabihin mo na meron na talagang listahan at meron na talagang usapan, walang ganoon para sa senators’ list sa elections sa 2028,” ani Duterte.
Tumanggi rin siyang pangalanan ang mga posibleng kandidato, at sinabing nakararanas ng pressure ang mga taong iniuugnay sa kanya.
“Hindi ko sila papangalanan kasi… matindi at mainit ang politika ngayon… lahat ng lumalapit, dumidikit, kaibigan ko , ay hina-harass, tine-threaten, fina-file-an ng kaso, ina-atake.”
Sinabi rin ng Bise Presidente na wala pa siyang napipiling vice presidential running mate para sa 2028, at nakadepende aniya ito sa kahandaan at tamang panahon bago magkaroon ng anunsyo.
“Depende kung ready… sa ngayon wala pa naman akong Vice President na candidate na kasama. Kung meron na at ready na siya, saka siya magpapahayag na tatakbo bilang Vice President.”
Sa kaparehong panayam, sinabi ni Duterte na dapat manguna ang national government sa pagtugon sa epekto ng krisis sa Middle East sa mga Filipino, at itinuro si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Dagdag pa niya, magpapatuloy ang “libreng sakay” program ng kanyang tanggapan sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis. Nagpahayag din siya ng pagdududa sa reliability ng political surveys, bagamat sinabi niyang nagpapasalamat pa rin siya sa patuloy na suporta at tiwala ng mga Filipino.

Share.
Exit mobile version