Tinukuran ng magkapatid na sina Camarines Sur Representatives Migz at Luigi Villafuerte ang mga ahensya ng gobyerno sa kanilang tuloy-tuloy na kampanya laban sa disinformation at artificial intelligence (AI)-generated deepfakes.
Sinuportahan ni Rep. Migz ang planong paglulunsad ng Presidential Communications Office (PCO) ng isang online government platform kung saan maaaring i-report ng publiko ang mga misinformation at disinformation na sadyang ipinakakalat upang linlangin ang publiko.
“The rapid spread of misinformation and fake news poses a significant threat to our democratic institutions, public health, and social cohesion,” sabi ni Rep. Migz, chairperson ng House Committee on Information and Communications Technology.
Hinimok naman ni Rep. Luigi ang Philippine National Police (PNP), sa pamamagitan ng Anti-Cybercrime Group (ACG), na makipagtulungan sa PCO, Department of Justice (DOJ), at Department of Information and Communications Technology (DICT) upang matukoy ang mga grupo na internasyonal na nagtutulak ng mga maling impormasyon upang lituhin, linlangin, at maalarma ang publiko.
Inilabas ng magkapatid na Villafuerte ang pahayag kasunod ng paglagda ng isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng PCO, DOJ, at DICT na naglalayong palakasin ang inter-agency coordination upang labanan ang pagkalat ng maling impormasyon na naglalagay sa panganib sa publiko, national security, at mga demokratikong institusyon.
Sa ilalim ng MOA, ang PCO ang magiging lead agency na naglalabas ng mga advisory, at maglulunsad ng mga media literacy campaigns samantalang ang DICT ang gagawa ng mga technology platforms, magpapalakas ng cybersecurity, at tutulong sa pagpapatatag ng digital platforms ng gobyerno.
Ang DOJ naman ang mage-evaluate ng mga insidente upang makapagsampa ng kaso kung kinakailangan.
Ayon sa magkapatid na Villafuerte, ang Kamara de Representantes ay gumagawa rin ng mga aksyon upang mapanatili ang responsableng pamamahayag at malabanan ang pagkalat ng maling impormasyon.
Lumagda rin ang PCO ng Memorandum of Understanding (MOU) sa mga pangunahing publisher sa bansa na tinawag na Oplan Kontra Fake News initiative upang mapatatag ang mga hakbang laban sa misinformation at disinformation.
Sinabi ng magkapatid na Villafuerte na ang tri-agency MOA at MOU ay makatutulong ng malaki upang mapalakas ang kampanya ng gobyerno laban sa pagkalat ng fake news.
“We hope the PCO will be relentless in broadening this initiative by engaging many other institutions in legacy media and going ahead on its plan to coordinate with digital platforms such as Meta and Google in pursuit of a unified drive against disinformation and misinformation that are undermining public discernment of what are legitimate or fake news,” dagdag pa ni Rep. Migz.
Trending
- Knicks, ibinulsa ang Game 1 OT win vs Cavs, 115 – 104
- Lim, Olivarez pangungunahan ang Palawan Open tennis
- KC, dinalaw si Sharon
- Kathryn, nagsalita na sa lagay ng lovelife
- BINI pinarangalan sa Kamara
- Padilla: Bato nakisakay lang, walang ideya kung saan papunta
- DOH: Pinoy crew ng hantavirus-hit cruise ship ‘di na kailangan mag-quarantine ulit
- 9,800 Pilnoys na-repat sa gitna ng MidEast war

