May  tsika  kay Vice Ganda, nasabi nga niya na magiging super busy ang mga araw niya bago matapos ang taon, dahil na rin sa patong-patong na trabahong gagawin niya.

Sa totoo lang, matagal ngang hinintay ng mga tagahanga ni Unkabogable Superstar ang pagbabalik nito, na nagtapos nga noong March 2020. Siyam na taon ding namayagpag sa ere ang ‘Gandang Gabi Vice’, bago tuluyang mawala.

Pero noon pa man ay sinasabi na ni Meme Vice na magbabalik ang programa matapos ang ‘mahabang commercial break’. At `yun na nga, sa wakas ay mapapanood na rin matapos ang mahigit anim na taong commercial break! Kaloka!

Well, kinumpirma na nga ni ABS-CBN chief operating officer Cory Vidanes sa Annual Stockholders’ Meeting last August 19 na mapapanood ang bagong season ng ‘GGV’ simula September sa GMA, iWant, at Kapamilya Channel.

At heto pa, isa pang pasabog ni Tita Cory ay ang paglulunsad ng ‘Pinoy Big Brother Collab 3.0’ sa October, sa pakikipagtulungan muli ng ABS-CBN sa GMA.

Pero ang mas bongga nga, lilipat na sila sa bagong bahay matapos magsara ang original PBB house, na naging tahanan ng mga housemate at saksi sa napakaraming drama, kilig, at iyakan, sa loob ng 21 taon.

Pero, hindi pa nga lang sinabi kung saan eksakto itatayo ang bagong bahay. May mga nagsasabi na sa Bulacan daw, pero hindi naman kumpirmado.

Pero, tiniyak niya na magiging mas cost-efficient ito para sa kumpanya.

Well, mukhang hindi pa talaga tapos ang Kapamilya-Kapuso collab. Sa parehong stockholders’ meeting, sinabi rin ni ABS-CBN chief partnerships officer Roberto Barreiro na patuloy na naghahanap ang Kapamilya ng mga pagkakataong makagawa ng mas maraming content at mapagsilbihan ang iba’t ibang audience nito.

Bukas din umano sila sa pakikipagtulungan sa iba pang media companies, basta magiging maganda at kapaki-pakinabang ang kasunduan para sa kumpanya.

Well, matapos ang matagumpay na ‘Unbreak My Heart’, ‘It’s Showtime’, at ‘PBB Celebrity Collab’, ano kaya ang susunod na pasabog ng dalawang dating mahigpit na magkaribal?

Samantala, nilinaw rin nila na hindi pa sarado ang ABS-CBN Main Building at patuloy pa rin ang operasyon dito, taliwas sa ilang nakalilitong mga post na nagbigay ng impresyon na nagsara na ang gusali matapos isara ang gate sa Esguerra Avenue.

Sa katunayan, sa Main Building pa rin ginagawa ang iba’t ibang programa nila tulad ng ‘It’s Showtime’, kasama ang iba pang operasyon ng kumpanya.

Nilinaw nga ni ABS-CBN real estate and development group head Grant Orbeta na sa kalagitnaan pa ng 2027 ang turnover sa Ayala Land ng naibentang bahagi ng ABS-CBN property.

Pagkatapos ng turnover, ang lahat ng operating units ng ABS-CBN na nakabase sa Quezon City ay magkakaroon ng opisina sa Eugenio Lopez Communications Center at Gina Lopez Building.
=====

Share.
Exit mobile version