Naanod ng malakas na agos ng baha ang isang puting Mitsubishi L300 van na nakaparada sa Double L Road, Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal noong Sabado.
Batay sa imbestigasyon ng Rodriguez Municipal Police Station, wala nang sakay ang van nang biglang tumaas ang tubig-baha at lumakas ang agos dulot ng matinding pag-ulan sa lugar.
Sa viral video na bineripika ng mga pulis, makikitang tinangay ng rumaragasang tubig ang sasakyan hanggang sa tuluyang mahulog sa creek na katabi ng kalsada.
Sa ngayon nasa creek pa ang van at hindi pa ito naiaalis sa lugar, habang hindi pa matukoy ang halaga ng pinsalang natamo nito.
Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa insidente, ayon sa Rodriguez Municipal Police Station.
Hindi pa rin nakikipag-ugnayan sa pulisya ang rehistradong may-ari o driver ng sasakyan kaya patuloy pang bineberipika ang pagkakakilanlan nito at ang mga dokumento ng van.
