Nabigong magkasundo ang Estados Unidos at Iran na wakasan ang kanilang digmaan matapos ang mahabang negosasyon na nagtapos nitong Linggo, Abril 12 sa Islamabad, Pakistan.
Dahil dito, nanganganib ang kasalukuyang fragile ceasefire sa pagitan ng dalawang bansa.
Nagturuan ang magkabilang panig sa pagkabigo ng 21-oras na pag-uusap. Ang naturang digmaan, na nagsimula anim na linggo na ang nakalilipas, ay pumatay na ng libo-libong tao at nagpataas sa presyo ng langis sa buong mundo.
Bago umalis ng Islamabad, ipinahayag ni US Vice President JD Vance, na siyang namuno sa delegasyon ng Amerika, ang kanyang pagkadismaya.
Ayon kay Vance, tumanggi ang Iran na tanggapin ang mga kondisyon ng Amerika, partikular na ang pangakong hindi sila gagawa ng nuclear weapons.
Aniya, ito ang pangunahing layunin ng pangulo ng Estados Unidos sa naturang negosasyon.
“The bad news is that we have not reached an agreement, and I think that’s bad news for Iran much more than it’s bad news for the United States of America,” pahayag ni Vance. “So we go back to the United States having not come to an agreement. We’ve made very clear what our red lines are.”
Sa kabilang banda, iniulat ng Tasnim, ang semi-official news agency ng Iran, na ang “labis” na demand ng US ang naging hadlang sa kasunduan.
Bagaman may mga isyung napagkasunduan, nanatiling malaking balakid ang usapin sa Strait of Hormuz at ang nuclear program ng Iran.
Nagsimula ang tensiyon sa Middle East noong Pebrero 28 sa pamamagitan ng air strikes ng US at Israel sa Iran.
Kasalukuyang umiiral ang dalawang linggong ceasefire na napagkasunduan noong nakaraang Martes.
Nanatiling sarado ang Strait of Hormuz, kung saan dumadaan ang halos 20 porsiyento ng suplay ng enerhiya sa buong mundo matapos itong harangan ng Iran.
Samantala, nanawagan si Pakistan Foreign Minister Ishaq Dar na patuloy na tuparin ng magkabilang panig ang kanilang ceasefire agreement upang maiwasan ang lalong paglala ng kaguluhan.

Share.
Exit mobile version