ISANG drug pusher na itinuturing bilang High Value Idividual (HVI) ang natiklo ng mga otoridad kung saan mahigit P.1 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa buy bust operation sa Caloocan City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, kinilala ni Caloocan Police OIC chief P/Col. Joey Goforth ang naarestong suspek na si alyas “Boss”, 42, ng Brgy. 180, ng lungsod.
Ayon kay Col. Goforth, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation sa koodinasyon sa PDEA nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isang isang undercover police-buyer.
Dakong alas-2:51 ng madaling araw nang dambahin ng mga operatiba ng SDEU ang suspek sa Brgy. 180, matapos bintahan ng P6,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 25 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P170,000 at buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at anim P1,000 boodle money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, under Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.(RP)

Share.
Exit mobile version