Sa gitna ng kanyang matagal nang pakikipaglaban sa siyam na autoimmune diseases, muling nasubok ang tibay at pananampalataya ni Kris Aquino. Noong Miyerkoles, ang inaakalang simpleng paglalagay ng PICC line ay nauwi sa nanganib ang kanyang sitwasyon at nag agaw buhay nang biglang tumigil ang paggana ng kanyang baga. Sa loob ng halos dalawang minuto, huminto ang kanyang paghinga—isang sandaling nagdulot ng matinding pangamba sa kanyang pamilya at mga tagasuporta.
Agad na kumilos ang kanyang mga doktor: ang anesthesiologist, dalawang surgeon, at rheumatologist ay sama-samang nagbigay ng agarang lunas upang maibalik ang kanyang hininga. Ang insidente ay naganap matapos maantala ang operasyon dahil sa mataas na presyon ng dugo at matinding migraine, patunay ng komplikasyon na dulot ng kanyang mga karamdaman.
Sa kabila ng trahedya, ibinahagi ni Aquino ang kanyang karanasan sa social media. Sa mga larawang inilabas mula sa silid-pagpapagaling, makikitang kasama niya ang kanyang mga anak na sina Josh at Bimby—mga sandaling nagbigay ng lakas at pag-asa sa gitna ng pangamba.
“Dapat minor lang ito, pero naging life-threatening,” ani Aquino, na aminadong hindi pa lubos na natatanggap ang trauma ng muntik na niyang ikamatay.
Gayunman, nananatili siyang matatag, nagpapasalamat sa kanyang medical team, at patuloy na kumakapit sa pananampalataya.
Para sa marami, ang pangyayaring ito ay paalala ng kahinaan ng katawan ngunit kasabay nito ay patunay ng tibay ng loob. Sa bawat pagsubok, muling ipinapakita ni Kris Aquino na ang tunay na lakas ay nagmumula sa pamilya, sa pananalig, at sa walang sawang suporta ng sambayanan.
