BUKAS na ang bagong transit lounge sa Ninoy Aquino International Airport Authority (NAIA) sa Terminal 3.
Mas magiging komportable ang paghihintay para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) ang bagong lugar na makaka- pagpahinga ang mga ito na lilipad patungo sa trabaho nila sa ibang bansa o mga kararating lang sa Pilipinas at may connecting domestic flight sa NAIA terminal 3.
Binuksan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), katuwang ang New NAIA Infra Corp. (NNIC), ang bagong OFW Transit Lounge sa Terminal 3. May mga kama at massage chair ang pasilidad at kaya nitong tumanggap ng hanggang 26 na OFWs sa isang pagkakataon.
Hanggang tatlong oras ang maaaring pananatili upang mas marami ang makinabang.
Bahagi ito ng pagpapalawak ng mga OFW Lounge sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Mayroon na rin mga lounge sa NAIA Terminal 1, Mactan-Cebu International Airport, at Clark International Airport.
Maaaring gumamit ng lounge ang mga OFWs na paalis patungo sa trabaho sa ibang bansa o kararating mula abroad at may connecting domestic flight sa NAIA Terminal 3. Kailangang magpakita ng mga dokumentong nagpapatunay na OFW sila at kumpirmado ang kanilang biyahe.
Saklaw ng paggamit ang umiiral na mga patakaran ng lounge.
“Patuloy nating pinapabuti ang mga pasilidad sa paliparan upang magkaroon ang mga OFWs ng maayos at komportableng lugar na mapagpapahingahan habang naghihintay ng kanilang biyahe.
Kinikilala natin ang pagod at sakripisyong kaakibat ng kanilang paglalakbay,” ani OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan.
Nagpasalamat si Administrator Caunan sa NNIC sa pakikipagtulungan upang mabuksan ang pasilidad.
“Maraming salamat sa NNIC sa pagsuporta sa serbisyong ito. Sa pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor, mas napapabuti natin ang karanasan ng mga OFW sa paliparan,” dagdag niya.
Para naman sa mga distressed OFW na kararating lamang sa bansa at nangangailangan ng tulong, maaaring lumapit sa OWWA Airport Arrival Assistance Desk sa arrival area pagkatapos ng Customs sa NAIA Terminals 1 at 3. Maaaring humingi ng tulong sa transportasyon, pagkain, o pansamantalang matutuluyan, alinsunod sa mga patakaran ng OWWA.
Patuloy na makikipagtulungan ang OWWA sa NNIC at iba pang katuwang upang mapahusay ang mga pasilidad at serbisyong sumusuporta sa mga OFW sa kanilang pag-alis at pag-uwi sa bansa.(Gina Garcia)

