Nagsimula na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng imbestigasyon laban sa mga taxi driver na umano’y nambiktima sa dalawang Thai models na bumisita sa Pilipinas kamakailan.
Ayon sa LTFRB, kabilang din sa kanilang iniimbestigahan ang mga operator ng mga taxi na sangkot sa insidente upang matukoy ang kanilang pananagutan.
Sa pahayag ng ahensiya nitong Biyernes, Hunyo 26, sinabi nitong makikipag-ugnayan ito sa Philippine National Police upang makuha ang lahat ng impormasyong makatutulong sa pagkilala sa mga taxi driver na umano’y sangkot sa insidente.
Batay sa ulat, naganap ang insidente noong Hunyo 13 nang dumating sa bansa ang dalawang Thai models para dumalo sa isang event.
Nang sumakay umano ang mga ito sa isang taxi, tumanggi umano ang driver na gumamit ng metro at sa halip ay gustong mangontrata sa pamasahe.
Maya-maya, hininto umano ng drayber ang sasakyan at sinabing na-stuck ang sasakyan.
Pinaniniwalaang nakipagsabwatan pa ang naturang driver sa isa pang taxi driver upang nakawin ang cellphone ng isa sa mga dayuhang modelo.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor Mendoza II, hindi katanggap-tanggap ang naturang insidente at tiniyak niyang mananagot ang mga sangkot.
Saad pa niya, agad maglalabas ang LTFRB ng show cause order sa sandaling makumpleto ang imbestigasyon.
=====

Share.
Exit mobile version