Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na aabot na sa 15 lalawigan sa Luzon ang nakararanas na ng tagtuyot hanggang Abril 19, sa kasagsagan ng mainit at tagtuyot na panahon.
Sa isang climate forum nitong Miyerkules, tinukoy ng PAGASA ang mga apektadong lalawigan na kinabibilangan ng Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Isabela, Kalinga, La Union, Mountain Province, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Pangasinan, Quirino, at Tarlac.
Ayon sa PAGASA, itinuturing na tagtuyot kapag may higit 60 porsyentong pagbawas sa ulan sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan. Dagdag pa nito, 32 lalawigan ang nasa ilalim ng dry spell habang 23 naman ang nasa dry condition.
Ang dry spell ay tumutukoy sa 21 hanggang 60 porsyentong pagbaba ng ulan sa loob ng tatlong buwan, habang ang dry condition ay kapag nananatiling below normal ang ulan sa loob ng dalawang buwan.
Samantala, 10 lalawigan sa Visayas at Mindanao — Samar, Bohol, Cebu, Siquijor, Negros Oriental, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Norte, at Camiguin — ay hindi pa apektado ng pagbaba ng ulan.
Ayon sa PAGASA, magpapatuloy ang mainit at tuyong kondisyon hanggang unang kalahati ng Mayo, at maaaring umabot sa 40.8°C sa Northern Luzon at 40.0°C sa mga lowland area ang maximum temperature.
Kabilang sa pinakamataas na naitalang temperatura ay 38.4°C sa Camiling, Tarlac noong Abril 10, 2026; 38.2°C sa Echague, Isabela noong Abril 9, 2026; at 38.0°C sa Bayombong, Nueva Vizcaya noong Abril 7, 2026.
Bagama’t nananatiling neutral ang kondisyon sa equatorial Pacific Ocean, naglabas ng El Niño Alert ang PAGASA dahil sa halos 80 porsyentong posibilidad ng pag-develop nito sa pagitan ng Hunyo hanggang Agosto 2026.
Ayon sa PAGASA, sa unang yugto, maaaring palakasin ng El Niño ang southwest monsoon at magdulot ng malalakas na ulan sa kanlurang bahagi ng bansa. Ngunit sa bandang huli ng taon, inaasahang magpapababa ito ng ulan at ng bilang ng tropical cyclone, na magreresulta sa mas tuyong kondisyon.
Batay sa kasalukuyang projection, maaaring tumagal ang El Niño hanggang unang quarter ng 2027, at posibleng umabot sa ikalawang quarter na lalo pang magpapainit at magpapatuyo ng kondisyon sa bansa.

Share.