Nasawi ang 19-anyos na student leader nang  pagsasaksakin nang protektahan ang grupo ng mga batang skateboarder na hinarass umano sa Tuguegarao City noong Miyerkoles ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si Zanter Troy Soriano.
Ayon sa mga ulat, inatake siya ng anim na indibidwal sa Bagay Road malapit sa steel bridge bandang ala-1 hanggang alas-2 ng madaling-araw.
Nagsimula umano ang komprontasyon nang mamagitan si Soriano upang ipagtanggol ang ilang junior high school skateboarder na sinasabing binu-bully o hina-harass ng isa sa mga suspek, na iniulat na 21 taong gulang.
Lumala ang tensiyon hanggang sa humantong ito sa pananaksak na ikinasawi ng binata.
Nanawagan ng hustisya ang University of Cagayan Valley Criminal Justice Student Council para kay Soriano, na dating nagsilbi bilang Peace and Order Committee officer.
Apat sa anim na suspek ang naaresto na ng mga awtoridad, habang nagpapatuloy ang operasyon para matunton ang dalawa pang umano’y sangkot sa insidente.
Iniulat din na hindi bababa sa dalawang skateboarder ang nagtamo ng malubhang pinsala.

Share.
Exit mobile version