Kinilala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Regional Office 5 ang matinding hamon na kinakaharap ng mga mangingisda sa Bulan, Sorsogon matapos magkaroon ng oversupply ng lawlaw o tamban na humantong sa pagkasira ng mga huli.
Ayon sa BFAR 5, ang insidente ay nag-ugat sa pansamantalang pagtigil ng operasyon ng anim na malalaking fish processing plant sa Bulan dahil sa holiday break nitong nakaraang Semana Santa.
Ang mga plantang ito ang nagsisilbing pangunahing bulk buyers ng lawlaw sa rehiyon.
Bagama’t may maagang abiso na ang mga planta hinggil sa “stop buying” o kawalan ng malakihang orders o booking, marami pa rin umanong mangingisda ang pumalaot.
Base sa datos mula sa Philippine Fisheries Development Authority (PFDA), umabot sa 200-300 bangka ang pumasok sa pantalan araw-araw.
Bawat bangka ay nagdidiskarga ng tinatayang 60 tubs ng isda.
Dahil dito, hindi na kayang i-absorb ng lokal na merkado ang dambuhalang volume ng huli, na nagresulta sa pagkasira ng mga isda dahil sa pagiging highly perishable nito.
Sa kabila ng sitwasyon, agad na kumilos ang lokal na pamahalaan ng Bulan sa pamamagitan ng pagbili at pamamahagi ng bahagi ng labis na huli sa mga residente.
Nakaantabay naman ang tatlong reefer vans ng BFAR upang tumulong sa distribusyon ng isda sa mga palengke sa Albay at Camarines Sur.
Muling binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpoproseso tulad ng paggawa ng tinapa at bagoong upang mapakinabangan ang mga sobrang huli.
Inaasahang magsisimula na ang operasyon ng PFDA ice plant at ice storage facilities upang masiguro ang cold chain at mapanatili ang kalidad ng isda kahit may oversupply.
Ayon kay BFAR 5 Regional Director Ariel Pioquinto, nakikipag-ugnayan na sila sa mga trader, People’s Organizations at PFDA upang bumuo ng mga management measure sa ilalim ng Fisheries Management Area 7.
Kabilang dito ang panukalang closed fishing season at iba pang regulasyon para sa sustenableng pangingisda at mas maayos na pamamahala ng suplay.
Batay sa National Stock Assessment Program, talagang sagana ang lawlaw sa Ticao-Burias Pass tuwing una at ikalawang quarter ng taon.
Dahil dito, nanawagan ang ahensiya sa mga mangingisda na sumunod sa mga abiso ng mga planta tungkol sa buying schedule, isaalang-alang ang market demand bago pumalaot at limitahan ang paghuli kung alam na walang sapat na mamimili upang maiwasan ang pagkalugi at pag-aaksaya ng yamang-dagat.
Trending
- Kaila Estrada, Daniel Padilla wapakels pa rin sa mga viral photo na magkasama
- Julia Barretto aminadong nakadama ng pressure sa pagiging Barretto
- Ogie Alcasid ‘napikon’ kay Vice Ganda
- Higit P3.7m ilegal na gamot nasabat sa Lucena City
- Ammonia, tumagas sa ice plant sa Caloocan: 10 naospital, 90 inilikas
- 100 puno inatake ng peste
- Bagong laya todas, Pulis sugatan sa engkuentro sa Pasay
- 8 lugar tutustahin ng malaimpyernong damang-init
