Nabiktima ng online scam ang isang babaeng may-ari ng sari-sari store matapos umano’y malimas ang laman ng kanyang GCash account na aabot sa P81,500 sa Lipa City, Batangas.
Nangyari ang insidente noong Abril 16, alas-9:00 ng gabi, nang magpa-cash in ang isang lalaki sa tindahan ng biktima.
Ayon sa biktima, sinabi umano ng suspek na magbabayad lamang ito ng parcel sa Lazada at nagpa-cash in ng halagang P540.
Nguni’t makalipas nito, napansin na lamang ng biktima ang sunod-sunod na online transactions sa kanyang account hanggang sa tuluyang maubos ang laman nito na umabot sa P81,500.
Sa pahayag ng biktima, hinihiling niya ang tulong ng publiko upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek, na aniya’y kumuha ng perang pinaghirapan nila.
Batay sa paunang impormasyon, posibleng gumamit ang suspek ng panlilinlang o social engineering upang makakuha ng access o pahintulot sa account ng biktima, na nagresulta sa sunod-sunod na online payments.
Samantala, pinaalalahanan ng ilang netizens ang publiko na maging maingat sa mga kahalintulad na transaksyon, lalo na sa paghawak ng sariling mobile device at sa pagbibigay ng sensitibong impormasyon gaya ng OTP at PIN.
Hinikayat din ang mga biktima ng ganitong insidente na agad i-report sa mga awtoridad tulad ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group upang matulungan sa imbestigasyon.
Patuloy naman ang panawagan ng biktima na mahuli ang salarin at maibalik ang perang nawala sa kanya.
Trending
- Malaysian actor gumanap na Rolando Mendoza sa Manila hostage crisis movie
- Sofia, ‘nilaglag’ si Sarah
- Alex Eala, Zeynep Zonmez lusot na sa unang round ng Madrid Open doubles
- Lakers, pinadapa ang Rockets sa overtime, 112-108
- 3 estudyante dinukot ng rebeldeng grupo
- Bulkang Kanlaon muling bumuga ng abo
- Panibagong forest fire sumiklab sa bundok sa Laguna
- Sari-sari store owner nasimot higit P81k sa Gcash scam
