Sinibak sa puwesto ng Department of Transportation (DOTr) ang isang opisyal ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) matapos itong makuhanan ng video na nanuntok sa driver ng isang nahuling colorum na van sa Calaca, Batangas.
Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, ipinatanggal niya agad ang opisyal alinsunod sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na walang puwang ang pang-aabuso sa kapangyarihan.
Aniya, kahit lumabag sa batas ang driver, hindi ito dahilan para gumamit ng dahas ang isang enforcer.
Sa ulat, may sakay na 15 pasahero ang colorum na van nang tangkaing pahintuin ito ng mga operatiba, kung saan halip na huminto, nakipaghabulan umano ang driver at ilang ulit pang nasagi ang sasakyan ng SAICT bago tuluyang naharang.
Na-impound na ng Land Transportation Office (LTO) ang naturang van matapos matuklasang paso na ang rehistro nito at ilegal na bumibiyahe bilang pampasaherong sasakyan nang walang prangkisa.
Nahaharap na rin sa mga kaukulang kaso ang nasabing driver.

Share.
Exit mobile version