Nilinaw ni Senador Robin Padilla nitong Huwebes ang kanyang naging pahayag tungkol sa komunismo na kanyang binanggit sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte noong Martes.
Sa ikalimang araw ng paglilitis noong Hulyo 14, tinalakay ni Padilla ang kaniyang pag-unawa sa kasaysayan ng Russia at ng communist movement sa Pilipinas sa gitna ng diskusyon sa “Operation Romanov” sa nasabing paglilitis.
Sa isang statement, sinabi ni Padilla na mahalagang maunawaan na may malaking pagkakaiba ang armadong komunismo na isinulong nina Vladimir Lenin at Mao Zedong at ang mga sinaunang sistemang nakabatay sa pagbabahaginan, pagkakapatiran, at pagkakapantay-pantay ng tao.
Paliwanag pa niya, ang Marxist-Leninist at Maoist na ideolohiya ay naging daan sa mga armadong rebolusyon, civil wars, at malawakang karahasan sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.
Aniya, ang ganitong uri ng armadong komunismo ang umabot sa Pilipinas at nagdulot ng mahigit limang dekadang armadong tunggalian na kumitil sa buhay ng libo-libong Pilipino, kabilang ang maraming kabataang nahikayat na sumapi sa kilusan.
Binigyang-diin pa ni Padilla na hindi ito ang komunismong kanyang tinutukoy. Aniya, ang kanyang tinutukoy ay ang mas sinaunang konsepto ng sama-samang pagtutulungan at patas na pagbabahagi ng yaman—mga prinsipyong makikita sa tinatawag na Christian Communism ng mga unang Kristiyano at sa Mu’akhat system na ipinatupad ni Propeta Muhammad (SAW) sa Madinah, kung saan ang mga miyembro ng komunidad ay nagtutulungan at nagbabahaginan ng yaman bilang pagpapakita ng tunay na pagkakapatiran.
“Ang aking paninindigan ay laban sa dahas at armadong pakikibaka. Ang aking tinutukoy ay ang diwa ng pagkakapatiran, malasakit sa kapwa, at panlipunang katarungan na matagal nang isinasabuhay sa mga sinaunang pamayanang Kristiyano at Muslim,” ani Padilla.
Ayon pa senador, ang kanyang paniniwala ay hindi sumasalungat sa kanyang pananampalatayang Islam, sa kanyang tungkulin bilang reservist ng Philippine Army, at sa kanyang patuloy na suporta sa kapayapaan at sa pagtatapos ng armadong tunggalian sa bansa.
Para kay Padilla, ang tunay na pagbabago ay hindi nakukuha sa dahas kundi sa pagkakaisa, paggalang sa buhay, at pagtutulungan ng bawat Pilipino tungo sa isang makatarungan at mapayapang lipunan.
Trending
- Marcoleta, pinagpapaliwanag ng Sandigan
- Education crisis dapat bigyang prayoridad
- Mas mabigat na parusa sa ospital
- Senior high timbig sa pagpo-post sa socmed ng banta vs guro, estudyante
- Tour guide sibak sa harassment sa hiker
- Delivery rider huli sa P1M shabu
- Ilang bahagi ng Davao lubog sa baha
- Lalaki namemeke ng birth certificate, timbog

