Viral ngayon ang isang resort sa Zamboanga City matapos makuhanan ng video ang umano’y pagpatay sa isang asong gala ng empleyado nito.
Ayon sa uploader ng video na si Ann Heneral, narinig nila ang kakaibang ingay ng mga aso. Hindi nagtagal, umalingawngaw ang dalawang magkasunod na putok ng baril.
Sa video na inupload ni Heneral, makikita ang isang lalaking hila-hila ang nakataling aso na wala nang buhay.
Ayon kay Barangay Chairman Bolong Ruben Coros, nang makita niya ang post sa social media Biyernes ng gabi ay agad niyang pinuntahan ang resort kinabukasan.
Ayon kay Coros, nakailang beses nang humingi ng tulong ang may-ari ng resort sa Barangay upang hulihin ang mga asong-gala.
Nang dahil umano sa mga tirang pagkain ng mga beach-goers kung kaya maraming aso ang napapadpad sa resort.
Nagpahiram din umano ng cage ang barangay sa resort, kung saan puwedeng ilagay ang nahuhuling mga aso.
Ayon kay Coros, hindi niya alam kung bakit hindi humingi ng tulong ngayon ang resort management sa kanila.
Sa kanyang pakikipag-usap sa resort supervisor, tauhan umano ng resort ang bumaril sa mga aso gamit ang airsoft gun. Ayon sa management, tinanggal na nila sa trabaho ang naturang empleyado dahil sa insidente.
Samantala, nakatakdang maghain ng resolusyon si Konsehal BG Guingona sa sesyon ng konseho sa darating na Miyerkules na nagkukundena sa nangyaring animal cruelty.
Nais din niyang ipaimbestiga sa City Veterinary Office at sa PNP ang insidente.
Nguni’t ayon kay City Veterinarian Dr. Arcadio Cavan, Jr., base sa Republic Act 8485 o ang Animal Welfare Act of 1998, hindi sapat ang video lamang ng pang-aabuso. Kailangan umanong tumestigo ang mga nakasaksi ng pang-aabuso sa aso.
Sinubukan kunin ang panig ng resort management pero tumanggi itong humarap sa media.
Trending
- Marcoleta, pinagpapaliwanag ng Sandigan
- Education crisis dapat bigyang prayoridad
- Mas mabigat na parusa sa ospital
- Senior high timbig sa pagpo-post sa socmed ng banta vs guro, estudyante
- Tour guide sibak sa harassment sa hiker
- Delivery rider huli sa P1M shabu
- Ilang bahagi ng Davao lubog sa baha
- Lalaki namemeke ng birth certificate, timbog
