Pinangunahan ng drag artist na si Pura Luka Vega ang sakramento ng komunyon sa Open Table Metropolitan Community Church (MCC) sa San Juan City.
Ang Open Table MCC ay ecumenical Christian church na nakatuon ang paghahatid ng tulong sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
Gumagalaw ito sa ilalim ng Universal Fellowship of Metropolitan Community Churches (UFMCC), isang Christian movement na may 250 kongresasyong miyembro sa 23 bansa.
Sa isang Facebook post ng MCC noong Linggo, Hunyo 14, ibinahagi nila ang serye ng mga larawan na kuha habang ipinagdiriwang ang banal na misa.
“Today is a very special day because we are joined by @puralukavega to celebrate and to serve communion with us,” saad sa caption ng post.
Dagdag pa nila, “This is reclaiming our space as queer people and as a marginalized community, because the Eucharist is a sacrament that is an Open Table for all. Happy Pride mga Mahal!”
Matatandaang naging kontrobersiyal si Pura dahil sa drag art performance niyang ginagaya si Hesukristo, at ginamit pa ang kantang “Ama Namin” sa nasabing pagtatanghal.
Dahil dito, inaresto siya sa kaniyang bahay sa Hizon Street, Barangay 339, Sta. Cruz, Manila noong Oktubre 2023.
Ngunit noong Marso 2024, nakalaya siya matapos makapagpiyansa ng halagang ₱360,000. Tuluyan  naman siyang naabswelto sa kasong cybercrime noong Hunyo 2025.
=====

Share.
Exit mobile version