Iniulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo, Mayo 10, ang 12% pagbaba ng mga naitalang insidente ng pangunahing krimen kasunod ng pinaigting na implementasyon ng Safer Cities Initiative.
Ayon sa PNP, batay sa monitoring mula Abril 6 hanggang Mayo 6, 2026, bumaba ang kabuuang focus crimes mula 3,047 patungong 2,684 o katumbas ng 363 na mas kaunting kaso.
Naitala ang pagbaba ng mga kaso ng rape mula 519 patungong 387; physical injury mula 489 patungong 370; homicide mula 99 patungong 85; theft mula 1,066 patungong 1,014; murder mula 339 patungong 314; at robbery mula 363 patungong 336.
Nananatili rin umanong manageable ang mga kaso ng carnapping sa naturang panahon, bagama’t hindi ibinigay ng PNP ang eksaktong bilang ng mga naitalang insidente.
Iniulat din ng PNP ang pagtaas ng Crime Clearance Efficiency sa 87.15%, habang ang Crime Solution Efficiency ay umangat sa 68.19% mula 64.92% sa nakaraang monitoring period.
“Ang pagbaba ng focus crimes ay resulta ng tuloy-tuloy na trabaho ng ating mga pulis sa buong bansa, kasama ang suporta ng mga komunidad at local government units. Hindi tayo titigil hangga’t hindi mas lalo pang nararamdaman ng mamamayan ang seguridad sa kanilang mga lugar,” ani PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
“We continue to strengthen our operational readiness and investigative capabilities. As your PNP, we will continue to improve our operations and ensure that our people feel safe in their homes, workplaces, and communities. Our goal is simple — a police organization that the public can trust and rely on every day,” dagdag pa niya.

Share.
Exit mobile version