Pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang lalaking nagpanggap bilang water delivery boy at nagnakaw sa loob mismo ng faculty room ng isang paaralan sa Tondo, Maynila.
Nangyari ang insidente noong Hulyo 21, sa pagitan ng 10:00 at 11:00 ng umaga sa Science Department ng paaralan. Nananatiling at-large ang suspek na tinukoy ng barangay na dati na ring nasangkot sa kaparehong kaso ng panloloob sa isa pang eskwelahan.
Residente ang suspek ng Barangay 80 at dati na umanong nasangkot sa kahalintulad na insidente, ani Kagawad Arjay De Guzman.
“Last three weeks ay meron din po siya isang kaso na rin po regarding din po diyan sa panloloob din po doon sa isang school din,” dagdag niya.
Ayon sa biktima, kinuha ng suspek ang bag niya na naglalaman ng P6,000 cash para sana sa matrikula ng kanyang anak na nasa Grade 3, kasama ang ATM card, mga ID, wallet, lipstick, at earpods.
Nakahingi ang biktima ng footage ng CCTV ng barangay sa labas ng paaralan kung saan nakitang lumabas ang suspek sa gate ng paaralan at tumakas patungong Dalanghita Street.
Iginiit ng biktima na hindi empleyado ng kanilang water supplier ang suspek. Nabatid din aniya ng mga kasamahan niyang guro na bago ang insidente ay ilang araw na itong nagmamanman sa paligid ng paaralan habang nagpapanggap na nagde-deliver ng tubig.
“Hindi po talaga tao ng water station na kinukuhanan po namin ng tubig. Nagpanggap po siya… Friday pa lang po last week ay nagmamanman na po pala siya around school… nagpapanggap po talaga siyang delivery boy ng tubig sa mga faculty rooms,” giit ng biktima.
Kinabukasan matapos ang pananalisi, naibalik sa barangay ang bag ng biktima nang isuko ito ng isang bata.
“Pagdating namin doon, chineck ko na lahat ng laman ng bag, wala na po yung cash pero nandoon yung wallet. Lately ko lang napag-alaman pati yung lipstick ko at tsaka earpods is kinuha,” dagdag ng biktima.
Ayon sa barangay agad na nagkasa ng manhunt operation ang pulisya noong gabi ng insidente, ngunit hindi nila nahuli ang suspek. Tinangka rin umano ng barangay na kausapin ang anak ng suspek upang hikayatin itong makipagtulungan sa imbestigasyon, ngunit tumanggi itong magbigay ng pahayag.
Dahil sa nangyari, hinigpitan pa ang seguridad sa eskwelahan. Nagpaalala naman ang barangay sa publiko at sa mga paaralan na maging mas mapagmatyag sa kanilang mga gamit at sa mga pumapasok sa campus.
“Mag-ingat po tayo sa mga gamit natin. Hindi porket may CCTV po tayo ay iiwanan lang po natin yung gamit natin,” paalala ni De Guzman.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente upang matukoy ang kinaroroonan ng suspek at masampahan ng kaukulang kaso.
===

Share.
Exit mobile version