NAGBABALA ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa publiko laban sa mga nag-aalok ng fake hotel accomodations at travel promotions online.
Pinayuhan ni NCRPO Officer-in-Charge P/Brig.Gen. Christopher N. Abrahano ang mga mamayan sa Metro Manila na maging mas maingat sa pag-book online ng mga hotel, resort, airline ticket, tour package, at iba pang travel-related services.
Ito’y dahil maaaring samantalahin ng mga scammer ang pagtaas ng demand sa pamamagitan ng pag-aalok ng sobrang murang presyo, limited-time deals, o malalaking discount upang makahikayat ng kanilang mabibiktima.
Paliwanag ni NCRPO chief na Karaniwan na pagpasok ng “ber months” ang kaliwa’t kanang alok online para sa mga murang biyahe sa iba’t ibang lugar sa bansa at international.
Pinayuhan din ng heneral, ang publiko na maging mapagmatyag sa mga social media account at online seller na gumagamit ng kinopyang logo, ninakaw o kinopyang mga larawan, bagong likhang account, o mga website at page na ginagaya ang lehitimong hotel, resort, airline, o travel agency.(Gina Garcia)

