Inaresto ang isang patrolman na nakatalaga sa Nueva Ecija 1st Provincial Mobile Force Company at isinailalim sa preventive suspension ng National Police Commission (NAPOLCOM) habang iniimbestigahan ang reklamong umano’y pang-aabuso at panggagahasa sa 14-anyos na dalagita.
Kinilala ng NAPOLCOM ang pulis na si Patrolman Kaizer Santos Alfonso.
Isinailalim si Alfonso sa preventive suspension nang magsampa ng kasong administratibo ang guardian ng menor de edad.
Ayon sa guardian ng biktima, umano’y paulit-ulit na pinangakuan ng pulis na pakakasalan nito ang menor de edad, kahit kasal na umano ang naturang pulis.
Bukod dito, sinabi rin ng guardian na madalas umanong magpadala ng mga mensahe at tumawag ang pulis sa biktima sa pamamagitan ng Instagram.
Iginiit ng guardian na pursigido silang ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa pulis.
Hiniling din nito sa NAPOLCOM na ilipat ang venue ng pagdinig ng kaso upang matiyak ang patas na imbestigasyon at maiwasan ang anumang posibleng panghihimasok sa proseso.

Share.
Exit mobile version