NATUNTON ng mga otoridad sa pinagtataguan bahay ang 24-anyos na wanted sa pagmomolestiya sa menor-de-edad na biktima Huwebes ng hapon sa Las Piñas City.

Agad iniutos ni Las Piñas police chief P/Col. Fermin Armendarez III ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section makaraan malaman ang kinaroroonan ng akusado sa Pilar Village na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “Regi” ng alas-2:00 ng hapon.

Base sa ulat na nakarating kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor, hinuli si alyas Regi sa bisa ng inilabas na warrant of arrest noong Setyembre 24, 2026 ng Presiding Judge ng Las Piñas City Family Court Branch 2 sa mga kasong Statutory Acts of Lasciviousness at Child Abuse kung saan menor-de-edad ang kanyang naging biktima.

Nasa P180,000.00 ang piyansa sa kasong Statutory Acts of Lasciviousness at P80,000.00 naman sa kasong Child Abuse para sa pansamantalang paglaya ng akusado na nakakulong sa custodial facility ng Las Piñas Police Station habang hinihintay ang paglalabas ng utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Samantala, isang security guard na alyas “Maximo”, ang inaresto ng mga tauhan ng Paranaque City Police Station sa pangunguna ni P/Master Sgt. Virgilio Noe, ng warrant Subpoena Section, sa likod ng SM Sucat, Barangay San Dionisio , Paranaque City, alas 3:54 ng hapon ng Oktubre 8.

Sa ulat ni Paranaque CPS P/Col. Nicolas Piñon, ang akusado ay nakatala bilang Top 9 Regional Level Most wanted sa buwan ng Oktubre 2026.

Isinilbi sa 37-anyos na akusado ang warrant of arrest sa kasong Qualified Rape na inisyu ni Presiding Judge Ma. Christina De Pio Lim, ng Paranaque City RTC Branch 260 noong Agosto 24, 2026, na walang inirekomendang piyansa.(Gina Garcia)

Share.