Matapos dumaan sa mahigpit na review process at serye ng konsultasyon kasama ang National Council on Disability Affairs (NCDA), pinayagan na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pagpapalabas ng lokal na pelikulang Love, NGO na may R-16 classification.
Ang pelikula ay sumailalim sa pagsusuri ng isang komite na binubuo ng mga abogado at Board Members na sina Cesar S. Pareja, Maria Gabriela R. Concepcion, at Mynoa R. Sto. Domingo.
Ang pelikula na produksyon ng Viva Communications, Inc. ay sumailalim sa masusing pagsusuri matapos magpahayag ng concern ang NCDA hinggil sa paraan ng pagpapakita nito sa mga persons with disabilities o PWDs.
Nakipagpulong din ang MTRCB sa pangunguna ni Chairperson at CEO Lala Sotto sa mga opisyal ng NCDA na pinamumunuan ni Executive Director Glenda Relova, kasama ang mga producer ng pelikula upang linawin ang mga isyung ibinabato sa materyal.
Ayon sa Board, nakatuon ang naging pag-uusap sa pagtiyak ng sensitibo at responsableng pagtalakay sa mga PWD habang sinusuri rin ang kabuuang konteksto ng pelikula.
Bagama’t napansin ng MTRCB na may ilang eksena sa pelikula na maaaring maituring na diskriminasyon sa mga taong may speech impediment at may madalas na paggamit ng maaanghang na mura at sexually suggestive na mga salita, sinabi ng Board na nakita pa rin nito ang “redeeming value” ng pelikula kapag tiningnan sa kabuuan.
Ayon sa MTRCB, nagbibigay umano ang pelikula ng ibang perspektibo sa paglalakbay at karanasan ng pangunahing karakter na isang PWD.
“The MTRCB appreciates the NCDA’s ongoing efforts to promote inclusive and respectful media portrayals,” ani Sotto.
Tiniyak din ng opisyal na katuwang ng MTRCB ang NCDA sa pagprotekta sa dignidad at maayos na representasyon ng sektor ng mga may kapansanan.
Muling binigyang-diin ni Sotto ang kampanya ng ahensya na “Responsableng Panonood” o Responsible Viewing, na layuning tulungan ang mga pamilyang Pilipino na makagawa ng tamang desisyon sa panonood habang sinusuportahan ang paglago ng industriya ng pelikula.
“Kami sa MTRCB, patuloy naming isinusulong ang Responsableng Panonood o Responsible Viewing. Layunin nitong tulungan ang mga pamilyang Pilipino na makagawa ng wastong pagpili habang sinusuportahan ang matatag at lumalaking industriya ng pelikula,” dagdag ni Sotto.
“Naniniwala kami na ang pagprotekta sa viewers ay responsibilidad ng lahat. Hindi ito nagsisimula at nagtatapos sa MTRCB lamang. Kabilang dito ang exhibitors, distributors, producers, at lahat ng bahagi ng cinema ecosystem,” saad pa niya.

Share.
Exit mobile version