Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang 10-anyos na batang babae nang masagasaan ng dump truck habang tumatawid sa Maa Road Corner Eden Street, Barangay Maa, Davao City, noong Biyernes, Setyembre 11.
Batay sa paunang impormasyon, kasama ng biktima ang kanyang ina, mga kapatid at tatlong buwang gulang na apo ng pamilya nang tumawid sila sa kalsada matapos magtungo sa isang bangko.
Nauna umanong tumawid ang bata matapos mapagkamalang malayo pa ang paparating na dump truck.
Ngunit bago siya tuluyang makatawid, nakarating na ang sasakyan at natamaan siya ng gulong.
Nasangkot din sa insidente ang ina at apat na taong gulang na kapatid ng biktima, na kapwa umano napunta sa ilalim ng truck at nagtamo ng mga pasa sa paa.
Humingi naman ng paumanhin ang 53-anyos na driver, na nagsabing hindi niya nakita ang mga tumatawid dahil sa blind spot ng malaking sasakyan at hindi niya sinadyang mangyari ang insidente.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng Maa Police Station ang mga pedestrian na mag-ingat sa pagtawid at gumamit ng mga itinalagang pedestrian lane upang maiwasan ang katulad na aksidente.
Samantala, nagkaroon na umano ng kasunduan ang pamilya ng biktima at ang kompanya na may-ari ng dump truck para sa mga gastusin sa pagpapalibing.
Ayon sa ulat, wala na ring balak ang pamilya na magsampa ng kaso laban sa driver.
=====

Share.
Exit mobile version