Nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang P68 milyong halaga ng hinihinalang shabu at naaresto ang dalawang suspek sa isang buy-bust operation sa Pasay City noong Sabado ng gabi, Hunyo 6, 2026.
Kinilala lamang ang mga suspek sa kanilang mga alyas na “Ron,” 41 taong gulang, at “Bai,” 32 taong gulang.
Ayon sa PDEA Regional Office–National Capital Region, isinagawa ang operasyon 7:30 ng gabi sa kahabaan ng Diosdado Macapagal Boulevard sa Barangay 76.
Nakumpiska sa operasyon ang isang pakete ng shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang isang kilo na nagsilbing subject of sale, gayundin ang siyam pang pakete ng parehong ilegal na droga.
Sa kabuuan, aabot sa 10 kilo ng hinihinalang shabu na may tinatayang standard drug price na P68 milyon ang nasamsam ng mga awtoridad.
Narekober din sa mga suspek ang tatlong identification card, dalawang phone, isang tunay na perang ginamit bilang buy-bust money, at isang sasakyan.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na may kaugnayan sa pagbebenta at pag-iingat ng ilegal na droga.
Samantala, isasailalim sa forensic examination ng PDEA Laboratory Service ang mga nakumpiskang hinihinalang shabu.

Share.
Exit mobile version