Nagsampa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng tatlong kasong kriminal kaugnay ng tax evasion sa Department of Justice (DOJ) noong Hulyo 23 na may kabuuang unpaid tax liability na higit P416 milyon.
Ayon sa pahayag ng BIR nitong Miyerkoles, sa ilalim ng Run After Tax Evaders (RATE) Program ng ahensya, kabilang sa kinasuhan ang isang kumpanyang may kaugnayan sa POGO, isang construction firm, at dalawang VAT-registered real estate seller.
Pinakamalaki sa mga kasong ito ang isinampa laban sa Zun Yuan Technology Inc. at sa mga opisyal nito, na may tinatayang tax liability na P402.74 milyon dahil sa hindi pagdedeklara ng malaking bahagi ng taxable income mula sa offshore gaming activities na nagdulot ng deficiency sa income tax, value-added tax (VAT), at withholding taxes.
Kinasuhan din ang AEP Construction at ang mga opisyal nito dahil sa underdeclaration ng taxable income na may deficiency na P6.02 milyon sa income tax at VAT.
Samantala, ang ikatlong kaso naman ay laban sa dalawang VAT-registered real estate seller na may deficiency na P7.31 milyon matapos nilang tratuhin ang kanilang mga transaksyon bilang subject sa capital gains tax sa halip na VAT at income tax.
Inihayag ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza na patuloy na hahabulin ng ahensya ang mga nagtatangkang umiwas sa pagbabayad ng tamang buwis anuman ang industriya nito.
“Paiiralin ng BIR ang batas sa bawat kasong may sapat na ebidensya, maging ito man ay underdeclared income, maling tax filing, o misrepresentation. Nararapat lamang sa mga tapat na taxpayer ang isang patas na sistema,” ani Mendoza.
Mula Enero hanggang Hunyo 2026, nakapagsampa na ang BIR ng 269 na criminal complaints sa buong bansa sa ilalim ng RATE Program upang protektahan ang mga tapat na nagbabayad ng buwis at panatilihing patas ang sistema ng pagbubuwis sa bansa.
====
